Ni Liza Soriano

MANILA — Aprubado na sa Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang P5.768 trillion national budget para sa susunod na taon.

Sa botong 21 na pabor, 0 negative vote at 1 abstain ay naaprubahan ang General Appropriations Bill o GAB  sa loob ng isang araw dahil sinertipikahan ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang urgent.

Nag-abstain si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III sa pagboto dahil sa pagtutol nito na sertipikahan ang GAB bilang urgent.

Bago ang pag-apruba ay inisa-isa ni Committee on Finance chairman Senator Sonny Angara ang major amendments sa bersyon ng Kamara subalit hindi tinukoy ang halaga na sangkot dito.

Tanging inihayag lang ni Angara ang mahigit sa P1 bilyong augmentation sa budget ng Department of Science and Technology (DOST) at P50 milyong pagtaas sa budget ng Learner Support Program ng Department of Education (Deped).

Wala namang binanggit  ang senador  tungkol sa kontrobersiyal na confidential and intelligence fund (CIF).

Matapos ang pag-apruba ng GAB, ay pag-uusapan ito sa bicameral conference kung saan ang mga mambabatas mula sa Senado at Kamara ay pagkakasunduin ang hindi mapagkasunduang probisyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Sa sandaling magkasundo, ang pinal na bersyon ng GAB ay raratipikahan ng Kamara at Senado saka ito ipadadala sa Malakanyang para rebyuhin ng Presidente at saka aaprubahan.

Ang P5.768 trilyon panukalang 2024 budget ay mas mataas ng 9.5% sa 2023 appropriations, ayon sa  Department of Budget and Management (DBM).

(ai/mnm)