Ni Liza Soriano
MANILA — Inaprubahan na ng Senado ang panukalang badyet ng Department of Science and Technology (DOST) para sa taong 2024, na nagkakahalaga ng P26.7 bilyon.
Gayunpaman, ikinabahala ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang magkakapatong na tungkulin sa loob ng iba’t ibang departamento ng gobyerno.
Ibinigay niyang halimbawa ang Department of Health, Department of Energy, at ang Department of Agriculture, na may magkakatulad na aktibidad sa pananaliksik at pagpapaunlad.
“Nagiging biro na lang po every time we talk about different departments doing the same thing, and somehow confusing legislators,” ani Villanueva.
Hiniling ni Villanueva sa ahensiya na magsagawa ng pagsusuri sa pagtatasa ng istruktura at tungkulin ng organisasyon ng bawat kalakip na ahensiya.
Kinilala ni Senador Francis Tolentino, sponsor ng badyet ng DOST, ang magkakapatong na tungkulin at ipinaliwanag na may ilang ahensiyang nagpatibay ng mga tungkuling orihinal na nakabalangkas sa Executive Order No. 128 ng 1987.
“They’re the ones in charge of research and development, and other government entities are supposed to coordinate with them. What is happening right now..is that their outputs are being utilized by other government agencies to justify perhaps their existence,” ayon kay Tolentino.
(ai/mnm)