INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang lahat ng local government unit na ipatigil ang koleksiyon ng kahit anong pass-through fee sa lahat ng sasakyan na nagdadala ng paninda at kalakal.
Kasama sa ipinatitigil ni Pangulong Marcos ang koleksiyon ng sticker fees, discharging fees, delivery fees, market fees, toll fees, entry fees, Mayor’s Permit fees at iba pa.
Ayon sa Pangulo, hangad niyang ibaba ang gastos sa food logistics para makontrol ang epekto ng inflation rate sa bansa.
Sa ilalim ng Executive Order No. 41 na pinirmahan ni Executive Secretary Lucas P. Bersamin, layon ng direktiba ang mas mabisang paggalaw ng mga paninda at kalakal sa mga rehiyon upang buhayin ang mga lokal na industriya.
“The unauthorized imposition of pass-through fees has a significant impact on transportation and logistics costs, which are often passed on to consumers, who ultimately bear the burden of paying for the increase in prices of goods and commodities,” nakasaad sa executive order.
“Building a robust and collaborative partnership between the National Government and LGUs is essential in effectively addressing the impacts of inflation and promoting economic prosperity across all regions,” dagdag pa nito
Kaakibat ang direktiba ni Marcos na pagbaba ng transport at logistics costs sa 8-Point Socioeconomic Agenda ng kanyang administrasyon.
Inatasan na rin ni Pangulong Marcos ang Department of the Interior and Local Government na kumalap ng kopya ng mga ordinansa ng mga LGU sa koleksiyon ng pass-through fees bilang pagsunod sa executive order.
Susuriin ng DILG, kasama ang Department of Trade and Industry, Department of Transportation, Department of Public Works and Highways, Anti-Red Tape Authority, at Department of Finance ang mga ordinansa kung compliant ang mga ito sa Local Government Code.