Ni DANG SAMSON-GARCIA

“AKO po ay isang Pilipino at lalong-lalo na hindi ako isang spy!”

Ito ang binigyang-diin ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo matapos ang pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality kaugnay sa ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa lalawigan.

Kasabay nito, kinuwestiyon ng kampo ng alkalde ang hindi, anila, patas na pagdinig dahil na rin sa paulit-ulit na pagtatanong sa sinasabing citizenship ng alkalde.

Sa pagharap naman ng Philippine Statistics Authority (PSA), iginiit ni Atty. Eliezer Ambatali, legal service ng ahensiya, na ang birth certificate ay isa lamang sa mga dokumentong maaaring magpatunay ng citizenship ng isang tao.

Ipinaliwanag ni Ambatali na kung ang pagbabatayan ngayon ay ang kasalukuyang birth certificate ng alkalde, maituturinng na ito ay Pilipino.

“Dineclare din po niya na Pilipino rin  po siya. So based dito sa dokumentong ito, since ang pinagbabasehan po natin sa pag-establish ng citizenship ay ‘yung citizenship ng mother, at ito rin po yung mga nakalahad lamang sa birth certificate. Kung ito ay, kung ito ay ang pagbabasehan natin, sasabihin natin na ano na, Pilipino nga,” diin ni Ambatali.

Samantala, kumasa rin si Guo sa hamon ni Senador Raffy Tulfo na sumalang siya sa lie detector test upang patunayan na nagsasabi siya ng totoo kaugnay sa kanyang citizenship.

Kasunod ito ng pagtatanong ni Tulfo kaugnay sa relasyon ng pamilya ni Guo kung saan sinabi ng alkalde na hindi nila napag-uusapan ng kanyang ama ang kanyang ina dahil itinuturing nila itong sensitibong isyu.

Sinabi ng alkalde na handa siyang sumalang sa lie detector test kung ito ang makapagpapatunay na hindi siya nagsisinungaling.

Muli ring itinanggi ni Guo na may kinalaman siya sa operasyon ng POGO at lumaki siya sa farm sa Tarlac kasabay ng pahayag na marunong siyang magsalita ng kaunting Kapampangan.

Muling magtatakda ng pagdinig ang komite subalit gagawin na itong closed door dahil may mga isyung may kinalaman sa national security.