Ni Liza Soriano
Ang panukalang Internet Transactions Act (ITA) ay nakahanda na ngayon para sa pag-apruba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. matapos i-adopt ng House of Representative ang bersyon ng Senado sa nasabing panukala, ayon kay Senador Mark Villar.
“The House of Representatives adopted in toto the Senate’s version of the Internet Transactions Act,” ani Villar sa Senate finance committee hearing sa panukalang badyet ng Department of Trade and Industry (DTI).
Ayon sa website ng House of Representatives, ang Senate Bill 1846 ay pinagtibay ng Kamara noong Setyembre 27.
Ang SB 1846 ay inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado noong Setyembre 25.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga digital platform o e-marketplaces ay may pananagutan sa online na merchant o retailer kung nabigo itong gampanan ang mga responsibilidad nito gaya ng nakasaad sa panukala na nagdulot ng pinsala sa konsyumer.
Kapag naisabatas, sinabi ni Villar na maiiwasan ng ITA ang mga online scam at titiyakin ang kaligtasan ng kapwa ng mga consumer at merchant na nakikibahagi sa e-commerce. (ai/mnm)