Ni Junex Doronio
MANILA — Aabot sa 50 kahon o 5,000 kapsula ng Doxycycline na gamot sa leptospirosis ang ipinagkaloob ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo at ng ACT-CIS partylist sa Angat Buhay Foundation ni dating Vice President Leni Robredo.
Ang naturang gamot ay para ipakalat sa mga biktima ng bagyong Kristine sa Bicol region.
Sa isang pahayag, sinabi ni Tulfo na karamihan sa mga tawag na natatanggap nila sa kanilang tanggapan ay may kinalaman sa leptospirosis dahil sa mga nakababad na residente sa baha, partikular sa Bicol region.
“Karamihan po ng tumatawag sa atin at nagrereport sa social media ay may problema sa leptospirosis, kaya agad po kaming gumawa ng paraan para makakalap ng mga gamot para dito,” ani Tulfo.
Ayon pa kay Cong. Tulfo, “Lumubog kasi ang maraming bahagi ng CAMSUR, lalo na ang Naga City, noong Bagyong Kristine, at nakakatakot na nababad ang mga tao sa baha.”
“Proteksyon o panangga ng mga tao laban sa leptospirosis ang mga gamot po na ito,” dagdag ni Tulfo.
Sinabi naman ni ACT-CIS Cong. Edvic Yap, “Hindi po kami mananawa na tumulong hanggat may nangangailangan ng ayuda. Tutulong po ang ACT-CIS.”
“Malawak po ang bagyong ito kaya pati sa Northern Luzon ay tinutulungan din po namin,” ani Cong. Jocelyn Tulfo ng ACT-CIS partylist.
Matatandaan na kamakailan ay aabot din sa 2,000 sako ng bigas at P1 milyon ang ipinamahagi ni Rep. Tulfo at ng ACT-CIS partylist mula sa kanilang mga personal na pondo para sa mga nasalanta ng bagyong Kristine.
“Ito po ang kaunting ambag ng ACT-CIS at ng Erwin Tulfo Action Center para sa mga kababayan nating binaha at binagyo, upang makatulong,” ani Tulfo.
Nakipag-ugnayan din ang opisina ni Tulfo at ng ACT-CIS partylist sa tanggapan ng Angat Buhay Foundation para sa karagdagang 500 sako ng bigas.
Aabot din sa 500 sako ng bigas ang ipamamahagi sa bayan ng Iriga at iba pang bayan sa Bicol region na labis na nasalanta ng bagyo.
Nagpadala na rin si Rep. Tulfo ng P50,000 cash para sa mga biktima ng bagyo sa San Guillermo Parish sa Talisay, Batangas.
Iginiit ni Tulfo na tuloy-tuloy ang pagtulong ng ACT-CIS partylist at ng Erwin Tulfo Action Center sa mga nasalanta ng bagyo.
“Ngayon naman ay nakatutok tayo sa posibleng tatamaan ng bagyong Leon na maaaring makaapekto sa ating mga kababayan. Kaya tuloy lang ang monitoring natin para agad tayong makapagpadala ng ayuda sa mga nangangailangan nating mga kababayan,” ani Tulfo.
ia/mnm