Ni Liza Soriano

HINIMOK ng mga senador sa Department of Labor and Employment (DOLE) na bawiin ang mga permit sa pagtatrabaho ng mga dayuhang manggagawa sa mga hub ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) na kamakailan ay ni-raid ng mga awtoridad at napag-alamang sangkot sa mga ilegal na gawain.

Sa plenary deliberation ng 2024 budget ng DOLE, binuhay ni Senador Joel Villanueva ang isyu ng mga ilegal na pasilidad ng POGO na umano’y may mga sex den at torture chamber.

“This is already there, that’s legally documented, that they can be immediately, all those permits be cancelled, revoked, because they are working in illegal facilities.. Kung hindi natin gagawin iyan, they’ll just move to another illegal facility,” ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri.

Sinabi ng sponsor ng budget ng DOLE na si Sen. Loren Legarda na noong Oktubre 31, nasa 42,409 na ang mga employment permit na naibigay sa mga manggagawa ng POGO mula sa kabuuang 60,541 dayuhang manggagawa sa buong bansa.

“I am asking DOLE to review the 42,000 plus permits issued,” ayon kay Legarda.

Binanggit din ni Villanueva na noong 2019, nagkaroon ng panukala para sa inter-agency monitoring mechanism para sa mga manggagawa ng POGO.

(AI/MNM)