Ni Liezelle Soriano

Binatikos ni Department of National Defense (DND) Secretary Gibo Teodoro ang China sa panghihimasok umano nito sa karagatan ng Pilipinas at inilarawan niya ito bilang mga ilegal na nakatira o “squatter.”

Sinabi ito ni Teodoro nang tanungin ang kanyang reaksyon sa pag-angkin ng China sa Pag-Asa Island, na nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

“Eh, ayoko naman matawa dahil bastos naman. Pero itanong mo sa kanila kung anong ibig sabihin. Sasabihin nila siguro indisputable sovereignty ng South China Sea. Ilan ang naniniwala doon? Ang illegal occupation ay kanila,” aniya ni Teodoro.

“Kapag in-occupy ng Pilipinas ang Hainan Island, ‘yun illegal occupation ‘yun. Pero ‘yung nandito-dito sila within our 200-mile EEZ, sila ang squatter. Illegal occupant sila dito, no,” dagdag pa niya.

Noong Linggo, sinabi ng militar na binalaan ng isang barko ng Philippine Navy ang isang barko ng China Navy dahil sa pagsasagawa ng “dangerous maneuvers” sa Pag-asa Island sa West Philippine Sea (WPS).

Kasunod nito, sinabi ni Chinese foreign ministry spokesperson Mao Ning na ang “illegal occupation” ng Pilipinas sa Pag-Asa Island ay lumabag sa soberanya ng China.

“It is reasonable and lawful for Chinese warships to patrol the waters near Zhongye Island,” aniya.

Iginigiit ng China na pagmamay-ari nito ang nasabing isla.

“Zhongye Dao is China’s territory. The Philippines has illegally occupied Zhongye Dao, which seriously violates China’s sovereignty,” ayon pa kay Mao Ning kung kaya’t binalasa ito ni Teodoro.

(ai/mnm)