By Liza Soriano

IGINIIT ni Senador Francis Tolentino nitong Sabado ang posibilidad na magsagawa ng Senate special investigation sa “ramming incident” sa karagatan ng Agno, Pangasinan, na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong mangingisdang Pilipino.

Sinabi ni Tolentino, chairperson ng Senate committee on justice and human rights, na ang isang special investigation ay makatutulong din sa pagtatatag ng ‘archipelagic sea lane’ ng bansa upang maiwasan ang mga katulad na insidente.

“Ang pakay dito ay ang pagbubuo ng archipelagic sea lanes. Ang ibig sabihin po nito ay iyong talagang daanan–dito dadaan yong mga barkong domestic, foreign at international vessels na malalaki, nang sa ganun alam ng ating mangingisda kung saan dadaan at makakaiwas sa isa’t isa,” ani Tolentino.

Idinagdag ng mambabatas na tinitimbang niya ang ideya kung sisimulan ang imbestigasyon habang naghihintay pa rin ng mga ulat mula sa mga kinauukulang awtoridad na kinakailangan ng mga international rules.

“So, habang hindi po nakakalap yon, ito po yong wine-weigh in ko kung sisimulan na ang imbestigasyon,” ayon sa mambabatas.

Tatlong mangingisdang Pilipino ang namatay matapos mabangga ng “unidentified commercial vessel” ang isang Filipino fishing boat na dumadaan sa karagatan ng Bajo de Masinloc o Panatag Shoal sa West Philippine Sea.

Hindi pinangalanan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga nasawi ngunit sinabing sila ay mga mangingisda na may edad 47, 38, at 62 mula sa Calapandayan, Subic, Zambales.

(ai/mnm)