Texto at bidyo ni Benjamin Cuaresma
MANILA — Lumabas na mas marami ang hindi pabor sa ginawang pag-donate ni Speaker Martin Romualdez ng $1 million sa Harvard matapos na gawing regular curriculum ang wikang Tagalog sa Estados Unidos dahil, anila, mas maraming mag-aaral ang nangangailangan ng tulong pang-edukasyon sa bansa.
Pormal itong inanunsiyo noong Abril sa Harvard U sa Cambridge, Massachusetts kung saan personal na dumalo si Speaker Romualdez at nagbigay ng talumpati ng pagtanggap at pasasalamat.
Sinabi niya na ang pagkakataong ito ay maituturing na isang “great national pride.”
Dinaluhan din ng ilang miyembro ng Pinoy organizations sa Amerika ang okasyon ngunit lingid sa kaalaman ng lahat ay nagbigay umano ng $1M na donasyon ang “Gentleman from Leyte” na puntirya umano ang pagkapangulo sa darating na 2028 national elections.
Pumutok ang balita tungkol sa $1M donation ni Speaker kamakailan at nalathala pa ito sa Inquirer.net base sa isang ulat mula rin sa isang digital o online newspaper na nakabase sa Amerika at kaalyado ng Inquirer.
Ngunit dahil asawa ang kapatid ni Speaker ng may-ari ng Inquirer ay binaklas din agad ang naturang istorya.
Gayunpaman, nagsaliksik ang Maharlika NuMedia tungkol dito at nagsagawa rin ng live interviews sa ilang guro at pribadong indibidwal.
Matutunghayan ang mga video interviews dito sa ilang mga nakapanayam ng Maharlika NuMedia tungkol sa isyung ito. (ai/mnm)